-- Advertisements --

Iminungkahi ni Senator Alan Peter Cayetano ang posibilidad ng snap elections para sa mga posisyon ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga senador, at mga kongresista, sa gitna ng umano’y lumalalang kawalan ng tiwala ng taumbayan sa pambansang pamahalaan.

Sa isang pahayag sa kanyang Facebook page nitong weekend, sinabi ni Cayetano na bagama’t may mga tunay na tagasuporta ang mga pulitiko, “ngayon higit kailanman, itinuturing silang mga ‘suspect’.”

“People have lost trust in government and government officials. Honestly, who can blame them?” ani Cayetano.

Giit niya, ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa radikal na katapatan at sa tapang na aminin kung kailan dapat na magbitiw.

Ang mungkahi ay lumabas kasabay ng mga imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa flood control projects, kung saan sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na 20% ng P545-bilyong budget ay napunta lamang sa 15 kontratista — isang bagay na tinawag niyang “disturbing.”

Nagpahayag din si Marcos ng intensyong papanagutin ang mga sangkot, kaya’t nagsimula na rin ng hiwalay na imbestigasyon ng parehong kapulungan ng Kongreso. Bukod dito, binuo na rin ang Independent Commission for Infrastructure para tutukan ang isyu.