Bahagyang bumaba ang reproduction number ng COVID-19 infections sa National Capital Region (NCR), ayon sa OCTA Research group.
Sa kanilang latest monitoring report na inilabas ngayong Agosto 25, sinabi ng OCTA na ang reproduction number sa NCR ay bumaba sa 1.53.
Bagama’t bahagyang bumaba, ang reproduction number na ito ay nasa critical range pa rin, ayon sa OCTA.
Ang average daily COVID-19 cases naman mula Agosto 18 hanggang 24 sa rehiyon ay 4,019.
Mas mataas ito ng 13 percent kung ikukumpara sa daily average naman sa nakalipas na linggo.
Siyam na LGUs ang nakapagtala ng single digit o mas mababa pang growth rates.
Pagdating naman sa positivity rate sa NCR, pumalo ito sa 23 percent sa nakalipas na pitong araw.
Sa ngayon, sinabi ng OCTA na tanging apat na local government unit sa rehiyon ang below critical incidence.
Sa isang tweet, sinabi ni Dr. Guido David na hindi pa masasabing naabot na ulit ang peak kahit pa nakakapagtala ng mataas na COVID-19 cases na naitatala sa NCR sa mga nakalipas na araw.
Pero base sa trends sa ngayon, hindi malabo aniya na maabot din ng NCR ang peak ng COVID-19 infections sa mga susunod na araw o sa unang linggo ng Setyembre.
Nilianaw naman ni David na maaring magbago pa rin ito, gayunman kailangan pa rin na mag-ingat ng lahat para hindi mahawa.