Iginiit ni House justice panel member Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na walang saysay ang panibagong petisyon sa Supreme Court na naglalayong pigilan ang impeachment proceedings laban kay VP Sara Duterte. Ayon sa kanya, inuulit lamang nito ang mga naunang argumento at wala nang bagong inilalatag, kaya’t tila “nagsasayang lang ng papel” ang mga naghain nito.
Ang ikatlong petisyon ay inihain ng ilang abogado at grupo, kabilang ang mga kaalyado ng Bise Presidente, na katulad din ng naunang mga mosyon mula sa kampo ni Duterte at ni Atty Israelito Torreon. Giit ni Ridon, dapat agad itong ibasura dahil pakikialam lamang ito sa isang kasong hindi naman sila direktang sangkot.
Sa kabila nito, nanindigan si Ridon na tuloy ang pagdinig sa Abril 14, anuman ang mga hakbang na ginagawa ng kampo ng Bise Presidente. Wala pa ring inilalabas na temporary restraining order ang Korte Suprema, bagama’t pinagsama na nito ang naunang dalawang petisyon.
Samantala, binatikos din ni Manila 3rd district Rep. Joel Chua ang serye ng mga petisyon at tinawag itong “dilatory tactic” o paraan upang pabagalin ang proseso. Binigyang-diin niya na nananatiling konstitusyonal, legal, at nakabatay sa ebidensya ang impeachment proceedings, at walang sapat na batayan upang ito’y ihinto. (report by Bombo Jai)
















