Nanindigan si La Union Rep. Paolo Ortega na hindi fishing expedition ang pagpapa-subpoena ng House prosecution panel sa mga financial at tax records ni VP Sara Duterte.
Ito ay taliwas sa alegasyon ng kampo ng depensa kung saan iginigiit ng mga ito na naghahanap pa ng ebidensiya ang House panel, sa pamamagitan ng malawak na sinasaklaw ng hinihinging mga subpoena.
Ayon kay Ortega, ang mga ebidensiyang lumabas noong mga serye ng pagdinig ng House Justice Committee ay nagsisilbing ‘patikim’ ng mga prosecutor.
Ang pagpapa-subpoena sa karagdagang bank at financial records aniya ay upang maipresenta ang kabuuang larawan ukol sa kayamanan ng pangalawang pangulo at ng kaniyang pamilya.
Ayon pa sa mambabatas, nasa trial proper na ang kaso ni VP Sara kaya’t nararapat lamang na maipresenta na ang lahat ng bumabalot sa kaniyang financial records.
Nakatakdang ilabas ng Senate impeachment court ang desisyon ukol sa hinihinging subpoena ng House panel, matapos bahagyang magtagal ang ginawa nilang caucus kahapon (July 15).
Ayon kay Ortega, kung hindi man pagbigyan ng korte ang naturang kahilingan, nakahanda ang prosecution team na ipresenta ang mga ‘available’ nang financial records ni VP Sara na maaaring ilabas sa trial.
Kasama dito ang ilan sa mga nauna nang nailabas sa Justice Committee hearing noong tinatalakay ang ‘sufficiency in grounds’ ng impeachment complaint.
















