Itinuro ni Batangas Rep. Leandro Leviste si Executive Secretary Ralph Recto na umano’y humaharang sa pagnanais ng maraming mambabatas na maitaas ang sahod ng mga mangagawa sa buong bansa.
Sa isang mensahe na inilabas ni Leviste ngayong Labor Day, sinabi niyang nararapat lamang na pangalanan ngayong araw ang humaharang sa dagdag-sahod ng mga manggagawa.
Naipasa na sana aniya ng Kongreso ang karagdagang minimum wage noong huling araw ng 19th Congress, pero ayon kay Leviste, sinabihan umano ni Recto ang Senado na huwag itong ipasa. Si Recto ay nagsisilbi pa noon bilang Secretary of Finance.
Dagdag pa ng bagitong mambabatas, ngayong may panukalang batas si Ka-Mangagawa Rep. Eli San Fernando para i-abolish ang provincial wage rates, at pumirma na ang karamihan ng mga miyembro ng Kamara para suportahan ito, hindi ito inaaprubahan dahil ayaw umano ni Recto.
Suportado rin aniy ng halos lahat ng House members ang pagbaba ng Value-Added Tax (VAT). Gayonpaman, sinabihan umano siya Committee Chair na hindi ito pinagbobotohan dahil tutol dito si ES Ralph Recto.
Hayagang tinukoy ni Leviste si ES Rector na umano’y humaharang sa pagtaas ng sahod ng mga mangagawa at pagbaba ng buwis. (report by Bombo Jai)















