-- Advertisements --

Hindi tinanggap ni Akbayan Rep. Perci Cendaña ang ‘apology’ o paghingi ng tawad ng school principal sa Masbate na si Randy Emmanuel Villar Bulanon.

Maalalang nag-post ang naturang school principal ng ilang ‘derogatory remarks’ laban kay Cendaña, kasama ang pagkutsa sa hitsura ng naturang mambabatas.

Kinalaunan, humingi rin ng tawad ang principal, kasunod ng mga pambabatikos na natanggap niya, at ng pahayag ng Akbayan Partylist na paghahain ng pormal na reklamo.

Sa kabila ng apology ni Bulanon, hindi pa rin siya pinatawad ni Rep. Cendaña at nanindigang dapat magkaroon ng accountability sa ginawa ng school principal.

Ayon sa mambabatas, dapat ay mabatid ng publiko na may pananagutan sa mga mapanirang post at bawat online statement ay may kaakibat na epekto sa mismong gumawa sa naturang pahayag.

Bilang educator, dapat umanong magsilbing magandang halimbawa ang school principal, para sa mga estudyante.

Mainam din aniyang makita ng publiko na nagsisisi talaga ang mga gumagawa nito, tulad ni Bolanon, at hindi lamang basta nakakawala mula sa pananagutan.

Nais din ng mambabatas na magkaroon ng malinaw na kaalaman o awareness ang publiko ukol sa mga mapanirang online post upang hindi maging normal ang ganitong sistema.