-- Advertisements --

Hinamon ni House impeachment spokesperson at Zia Alonto Adiong si Sen. Ronald dela Rosa na magpakita ng parehong tapang at determinasyon sa pagdalo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte tulad ng ipinakita nito noong dumalo sa botohan para sa pagbabago ng liderato sa Senado.

Ayon kay Adiong, mahalaga ang pisikal na presensya ng mga mambabatas sa mahahalagang usapin tulad ng impeachment trial. Binigyang-diin niya na inaasahan ng publiko na personal na dumalo ang mga senador sa mga pagdinig at masusing pag-aralan ang mga isyu.

Tinukoy rin ni Adiong ang insidente kung saan umano’y napilitan si dela Rosa na “piliting makapasok” sa Senado habang hinahabol ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na magpapatupad ng warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Giit pa ng kongresista, hindi dapat gamitin ang online participation bilang alternatibo dahil maaari umano nitong mabawasan ang pananagutan at commitment ng mga halal na opisyal sa kanilang tungkulin.

Samantala, sinabi rin ni Rep. Renee Co na dapat munang sumuko si dela Rosa at harapin ang mga legal na proseso laban sa kanya bago talakayin ang anumang pagbabago sa Senate rules kaugnay ng online voting at remote participation. (report by Bombo Jai)