VIGAN CITY – Posibleng mailipat o mai-relocate muli sa mas ligtas na lugar ang mga evacuees dahil sa phreatic eruption ng Bulkang Taal base na rin sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ito ay kung lumala pa ang sitwasyon ng nasabing bulkan sa mga susunod na oras at araw.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay NDRRMC-Office of the Civil Defense (ocd) spokesman Mark Timbal, sinabi nito na sa ngayon ay aabot na sa higit 25,000 katao ang nailikas dahil sa nasabing aktibidad ng bulkan mula pa kahapon.

Aniya, sa ngayon ay nasa ligtas na mga evacuation areas umano ang mga lumikas ngunit kung sakali mang lumala ang pag-aalburuto ng bulkan at pati na ang ash fall na nararanasan, malaki umano ang posibilidad na mai-relocate o mailipat ang mga ito sa mas ligtas pang lugar.

Kasabay nito, tiniyak ni Timbal na sapat umano ang suplay ng relief items para sa mga evacuees.