Wala pa ring lusot ang mga presong nakalaya dahil sa GCTA (Good Conduct Time Allowance) Law na nasa ibang bansa na.
Ayon kay Philippine National Police Chief, maglalabas sila ng red notice sa Interpol (international police) hinggil dito upang maaresto muli.
Aminado si Albayalde na ilan sa mga bilanggo na sangkot sa mga “heinous” crimes o karumal-dumal na krimen ay posibleng nasa labas na ng bansa.
Ngunit kahit daw sa mga bansang walang extradition treaty ang Pilipinas ay maaring mahabol ang mga ito.
Aniya, kanilang ipapadaan sa pamamagitan ng red notice sa interpol dahil napatunayan nang epektibo ito kung saan marami nang wanted sa Pilipinas ang naaaresto sa bansang kanilang pinagtataguan kahit walang extradition ang ating bansa.
Ang kaibahan lang nito ay hindi mae-extradite o mapapauwi sa Pilipinas ang maaarestong wanted dahil sa kawalan ng extradition treaty kaya hihintayin na lamang mapadeport ang mga ito pabalik sa Pilipinas.
Sa tinanggap na report ni Gen. Albayalde, nadagdagan pa ang bilang ng mga sumusukong mga nakalayang preso sa ilalim ng GCTA Law.
Kabilang dito ang siyam na nakalayang inmates sa Cagayan Valley Region.
Aniya, ipoproseso ang mga ito sa mga policesStation kung saan sila sumuko bago nila bigyan ng “escort” para mai-turnover sa Bureau of Corrections
Samantala, prayoridad na tugisin ng PNP ang mga tinaguriang “high value targets” na kabilang sa halos 2,000 inmates na pinalaya kahit may mga mabibigat na kaso.
Ayon sa PNP chief, pagkatapos ng 15-araw na palugit na binigay ni Pangulong Rodrigo Duterte para sumuko ang mga ito, sisimulan na ng kanilang tracker teams ang pag-hunting sa mga hindi pa rin sumuko.
Ngunit dahil sa sobrang dami ng presong kailangan nilang i-account, yaong mga “high risk” at mga involved sa sensational cases ang kanilang magiging top priority.
Kabilang sa mga napalaya ang tatlo sa pitong convicted criminals sa 1997 rape-slay ng Chiong sisters sa Cebu, habang ang convicted rapist-murderer sa 1997 case ni Eileen Sarmienta at Allan Gomez na si dating Mayor Antonio Sanchez ay nakatakda ring maisama sa mga papalayain noong August 20 dahil sa GTCA, kung hindi napigilan ng Pangulo.
Sa ngayon ay mahigit 11 preso na ang boluntaryong sumuko sa PNP na mula sa Cebu, Pasay, at Cagayan Valley.