-- Advertisements --

Inaasahang mauuna sa testimonya si Ramil Madriaga, na itinuturong dating bagman umano ni VP Sara Duterte, sa impeachment hearing sa Abril 14, ayon kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon.

Sinabi ni Ridon na limitado lamang ang oras ng pagdinig mula 8 a.m. hanggang 5 p.m. kaya kailangang isalang agad si Madriaga upang mailahad ang kanyang affidavit at mga pahayag. Tiniyak din niyang handa ang komite sa pagdinig ng mga subpoenaed witnesses at dokumento.

Kasama ring ipatatawag ang kinatawan ng Commission on Audit na may kinalaman sa paggamit ng confidential funds, pati ang mga opisyal ng Kamara na may kaugnayan sa nakaraang pagdinig sa Committee on Good Government.

Ayon kay Ridon, inaasahang magiging sunod-sunod ang presentasyon ng ebidensya kung papayagan ng oras, habang hinihintay pa ang kumpirmasyon kung dadalo si Atty. Michael Poa sa naturang hearing. (Report by Bombo Jai)