Nakahanay na ang mga aktibidad ng bansa sa pagdiriwang ng ika-500 taon o quincentennial year ng tagumpay ng grupo ni Lapu-Lapu laban sa mga mananakop na Kastila na pinangungunahan noon ng Portuguese explorer na si Ferdinand Magellan.
Bagama’t sa Abril pa ang highlights ng Victory of Mactan, noon pang mga nakaraang buwan nagsimula ang mga programang konektado rito.
Kabilang na sa mga ito ang mga art contests, lectures o webinars at iba pang events.
Ayon sa historian na si De La Salle University Prof. Xiao Chua sa panayam ng Bombo Radyo, bagama’t ang National Quincentennial Committee ang mismong nangangasiwa ng mga aktibidad, katuwang naman ng lupon ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP), Department of Tourism (DoH), National Museum of the Philippines, Department of Education (DepEd), National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Department of Foreign Affairs.
Hangad ng pamahalaan na mapukaw ang kamalayan ng publiko sa mga mahahalagang bahagi ng kasaysayan, lalo na ngayong “millennials era,” kung saan marami ang nakatuon ang atensyon sa social networking sites at may ibang kabataan na hindi na kilala kahit ang mga bayani.
Paliwanag ni Prof. Chua, ang quincentennial year celebration ng Pilipinas ay hindi lamang tungkol sa pakikipaglaban ni Lapu-Lapu at ng kaniyang mga tauhan, kundi upang ipakita rin sa buong mundo na noon pa man ay may sarili nang kultura ang ating bansa, pagmamahal sa kalayaan at iba pang magagandang katangian.
















