-- Advertisements --

Nagpaalala ang Quezon City Police District (QCPD) sa publiko hinggil sa panganib ng pagpasok sa drainage systems matapos kumalat online ang isang video na nagpapakita ng dalawang lalaking nasa loob ng manhole sa kahabaan ng EDSA, malapit sa Trinoma Landmark noong Hunyo 16, bandang alas-2 ng hapon.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, inupahan umano ng kapitbahay ang dalawang lalaki upang ayusin ang sirang hose sa ilalim ng drainage. Habang nasa gitna ng pagkukumpuni, biglang bumuhos anila ang ulan at mabilis na tumaas ang tubig sa loob ng drainage.

Agad silang naghanap ng ibang labasan at natagpuan ang isang maliit na butas kung saan sila’y humingi ng saklolo, na makikita sa sa viral na video.

Pinayuhan ng QCPD ang publiko na makipag-ugnayan muna sa mga lokal na awtoridad bago magsagawa ng anumang gawaing may kinalaman sa ilalim ng lupa, lalo na sa panahon ng tag-ulan, upang maiwasan ang aksidente o disgrasya.