-- Advertisements --

Iminungkahi ni Russian President Vladimir Putin ang direktang pag-uusap sa Ukraine sa Istanbul sa Mayo 15 upang talakayin ang peace talk at magtakda ng “pangmatagalang kapayapaan,” ayon sa isang pahayag mula sa Kremlin nitong Linggo.

Umaasa si Putin na makakamtan ang isang pangmatagalang solusyon sa halip na pansamantalang paghinto lamang ng labanan para mag-rearm.

Ang naturang mungkahi ay kasunod ng halos tatlong taong digmaan, na nagsimula noong Pebrero 2022 nang lusubin ng Russia ang Ukraine kung saan tinatayang daan-daang libong sundalo na ang nasawi, at nagpatuloy ang tensyon sa pagitan ng Russia at mga kaalyadong bansa ng Ukraine sa Europa.

Sa kanyang pahayag, hinimok ni Putin ang Ukraine na magpatuloy ng mga direktang negosasyon “nang walang mga kundisyon,” at iminungkahi niyang dapat ay mapagusapan ito sa Huwebes sa Istanbul. Ayon pa kay Putin, nakipag-ugnayan na siya kay Turkish President Recep Tayyip Erdogan upang tulungan ang pag-aayos ng mga pag-uusap na posibleng magresulta sa isang ceasefire.

Gayunpaman, wala pang tugon ang Ukraine hinggil sa mungkahi, at may mga ulat na nagtatangka ang mga European powers at Estados Unidos na magpataw ng bagong mga parusa kung hindi tatanggapin ni Putin ang kondisyon sa ceasefire.

Maalalang nauna nang pinawalang bisa ni Putin ang mga naunang mungkahi ng ceasefire na inalok noon ng Russia, kabilang na ang mga pansamantalang tigil putukan tuwing mahal na araw at ang 72-oras na ceasefire para igunita ang selebrasyon ng world war II, ngunit inakusahan ng Ukraine ang Russia na paulit-ulit lamang umanong lumalabag sa kasunduan.