DAVAO CITY – Hindi na nakaabot pa ng buhay sa ospital ang isang pulis matapos itong barilin ng riding-in-tandem nitong Lunes ng umaga sa Purok 1-C, Igangon, San Isidro, Davao del Norte.

Nakilala ang biktima na si Patrolman Alfie Alcano na sinasabing nakadestino sa 2nd Davao del Norte Provincial Mobile Force Company sa Malitbog, Panabo City.

Base sa imbestigasyon ng otoridad, dead on the spot ang nasabing biktima matapos na binaril ng mga suspek habang binabaybay nito ang daan patungo sana sa kanyang pinagtatrabahuan.

Agad namang tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo.

Narekober ng kapulisan mula sa pinangyarihan ng insidente ang basyo ng .45 caliber pistol at armas ng biktimang pulis na Glock 17 at 51 live ammunitions.

Patuloy pang inaalam ngayon ng kapulisan ang nasa likod ng nangyaring pamamaril at kung ano ang tunay na motibo nito.