-- Advertisements --

bocpulis2

Iniimbestigahan na ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) ang insidenteng pagbaril patay sa isang pulis ng empleyado ng Bureau of Customs (BOC) nuong Biyernes.

Sa nasabing insidente, patay ang biktima na nakilalang si PEMSgt. Celedonio Cauceran Jr., residente ng Brgy. Holy Spirit, Quezon City at miyembro ng District Headquarters Support Unit ng Quezon City Police District (QCPD) matapos barilin ng isang tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Gate 3 South Harbor Brgy. 651 Port Area, Manila nitong Biyernes.

Nadala pa sa Gat.Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktima subalit idineklara na siyang dead on arrival.
Kusa namang sumuko sa Manila Police District -Station 13 ang suspek na intel officer ng BOC.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, dakong 9:40 ng gabi nitong Biyernes, nang maganap ang engkuwentro sa loob ng Customs Intelligence and Investigation Services Office.

Batay sa pahayag ng kasamahan ng suspek nagtanong lamang sila kay Cauceran, subalit ilang sandali ay nagpaalam ang biktima na pupunta sa palikuran, pero pagbalik nito ay bigla na lamang bumunot ng baril.

Dahil dito, agad na umaksyon ang suspek kaya naunahan ang biktima.

Nakuha sa pinangyarihan ang dalawang caliber .45; isang 9mm caliber pistol, magazine, at apat na bala.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) BGen. Remus Medina na magsasagawa ito ng hiwalay na imbestigasyon sa insidente.

Sinabi ng QCPD, batay sa ulat ng BOC, sangkot umano si Cauceran sa mga insidente ng panghahagis ng granada at pamamaril ng mga empleyado ng nasabing kagawaran.

Binigyang-diin ni Medina kung totoo ang paratang sa pulis ay hindi nila ito kukunsintihin.

“Nakakalungkot na humantong sa ganito ang insidenteng ito, kung sakali man na totoong may kinalaman sa PEMS Cauceran sa lahat ng ibinibintang kanya ay hindi ko kinukunsinti ang kanyang gawain at maging ang iba pang kapulisan ng QCPD na maaring gumagawa rin ng kahalintulad na bagay ay kaylan man ay hindi ko kukunsintihin. May batas at proseso tayo para patunayan ang katotohanan ng isang pag aakusa at ito ang ating laging sinusunod at ipinatutupad” wika ni PBGEN Medina.