Pormal nang naipasa ang pamumuno ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kay Secretary Vince Dizon ngayong araw sa isinagawang turnover ceremony sa head office ng ahensya. Pinangunahan ito ng dating kalihim na si Manuel Bonoan kasama ang iba pang mga opisyal, at sinalubong si Dizon ng mga kawani ng kagawaran.
Nagpasalamat si Bonoan sa lahat ng empleyado ng DPWH sa kanilang suporta sa kanyang termino at bukal sa loob niyang ipinasa ang liderato kay Dizon. Ayon kay Dizon, bagama’t biglaan ang naging pagpapalit ng pamunuan, kinakailangang sundin ito at harapin ng ahensya ang bagong hamon.
Binigyang-diin ng bagong kalihim na magiging crucial ang susunod na 60 araw para sa departamento, dahil dito makikita kung paano mas mapapabuti ang operasyon ng kagawaran matapos ang mga kinaharap nitong kontrobersiya. Pagkatapos nito, iginiit niya na mahalagang magkaroon ng reo-rganization upang tuluyang malinis ang operasyon sa loob at labas ng ahensya.
Dagdag pa ni Dizon, kinakailangan ng mas malalim na imbestigasyon dahil naniniwala siyang dekadang problema na ang mga ganitong isyu sa bansa. Tiniyak niya na handa ang departamento na makipagtulungan sa isang independent commission kung kakailanganin, upang masuri maging ang mga dating proyekto pa ng nagdaang administrasyon at matuldukan na ang ganitong anomalya.