-- Advertisements --
apayap floods 3
Apayao floods (photo courtesy Rufino “Pinoy” Gonzales)

BAGUIO CITY – Patay ang isang pulis at isang bokal sa Apayao matapos matabunan ang mga ito ng gumuhong lupa sa Barangay Dibagat sa bayan ng Kabugao sa gitna ng masamang lagay ng panahon.

Nakilala ang mga nasawi na sina Kabugao Board Member Butz Mangalao, at P/Cpl. Rommel Gumidam Jr.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Lt. Col. Roderick Condag, Public Information Officer ng Apayao Police Provincial Office, sinabi niya na patungo si Gumidam sa bayan ng Calanasan para mag-duty ngunit hindi ito tumuloy dahil sa dami ng mga landslide sa mga lansangan.

Nakisilong muna si Gumidam sa bahay ng isang Padu Pugyao kasama si Board Member Mangalao na bibiyahe rin sana patungo sa Calanasan, ngunit dahil sa malakas na pag-ulan ay gumuho ang lupa sa likod-bahay.

Ligtas naman aniya si Pugyao dahil hindi nasama ang kusina ng bahay nang mangyari ang insidente.

Samantala, aabot sa 364 na pamilya o 1,085 indibidwal ang lumikas sa mga bayan ng Apayao dahil sa epekto ng pananalasa ng Bagyong Quiel at tinatawag na frontal system.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Apayao Provincial Administrator Atty. Ma. Elena Teresa Ravelo, sinabi niya na karamihan sa mga evacuee ay nanggaling sa mga bayan ng Luna at Santa Marcela.

Aniya, aabot na sa 11 insidente ng pagguho ng lupa ang naitala sa Calanasan na una nang nagdeklara ng state of calamity.

Ayon kay Ravelo, naitala ang mga pagguho ng lupa sa mga bayan sa Upper Apayao habang naitala ang mga pagbaha sa mga bayan sa Lower Apayao dahil sa pag-apaw ng mga sapa at ilog.

Dinagdag niya na sa Lower Apayao ay lubog na ang mga palayan, habang pinasok na rin ng tubig-baha ang mga bahay lalo na sa Santa Marcela.

Napag-alaman na nawalan din ng power supply ang karamihang residente sa Luna.

Patuloy din aniya ang pag-repack nila ng mga relief goods kung saan naipamahagi na ang mga ito sa mga apektadong residente, maliban sa mga evacuee sa Calanasan dahil sa pagsara sa mga kalsada roon.

Ipinasigurado pa ng opisyal na sapat ang mga relief goods na ipapamahagi sa mga apektadong residente ng Apayao.