CEBU CITY – Publiko, pinayuhan ng Cebu City EOC na hindi maalarma sa epektong dulot ng COVID vaccine; City gov’t naglaan ng P400M budget para sa bakuna
Nilinaw ng mga medical experts ng Cebu City Emergency Operations Center na hindi dapat mangingibabaw ang takot sa publiko sa pagpapabakuna laban sa COVID-19 kesa sa pakinabang na dala nito.
Tiniyak pa ng assistant officer-in-charge ng City Health Department Dr. Michelle Linsalata na anumang bakunang napagdesisyunang gamitin ay idadaan sa mabusising pagsusuri gamit ang pinakabagong agham.
“Rest assured any vaccine that we decide to use, will be reviewed by the latest science available,” ani Dr. Michelle.
Una ng napaulat na nakaranas ng allergic reaction ang dalawang health workers sa Alaska, USA matapos maturokan ng Pfizer vaccine kaya may mga nagdududa kung ligtas ba gamitin ang bakuna.
Gayunpaman, hinimok pa rin ng EOC ang publiko na sumailalim sa pagpabakuna sa kabila ng kumakalat na mga balita.
Ipinaliwanag pa ng EOC na hindi maiiwasan na magkaroon ng masamang epekto ang anumang bakuna ngunit maliit lang naman umano.
Batay pa sa naunang mga pag-aaral, karaniwang epekto sa anumang bakuna ay ang rashes, pananakit sa katawan, at bahagyang lagnat.
Samantala, naglaan na ang pamahalaang lungsod ng P400 milyon pesos sa 2021 annual budget sa pagbili ng bakuna ng COVID-19 na naipasa na kahapon, Disyembre 23.