Hinimok ng state weather bureau ang publiko na maghanda sa posibleng El Niño.
Ayon kay weather bureau Administrator Nathaniel Servando, naglalabas sila ng regular updates upang maagapan ang epekto ng inaasahang tagtuyot at matagal na kakulangan sa ulan na maaaring makaapekto sa agrikultura, enerhiya, kalusugan, at iba pang sektor.
Aniya, mahalaga ang maagang paghahanda upang mabawasan ang pinsala at maprotektahan ang kabuhayan.
Batay sa weather bureau, may higit 80% na posibilidad na mabuo ang El Niño sa Hunyo hanggang Agosto, at maaaring lumakas ito sa Oktubre hanggang Disyembre, na posibleng tumagal hanggang unang bahagi ng 2027.
Ipinaliwanag naman ni Climate Monitoring Chief Ana Liza Solis na ang El Niño ay nagdudulot ng mas mataas na temperatura na maihahalintulad sa “lagnat,” at maaaring umabot sa higit 2 degrees na pag-init ng karagatan, na indikasyon ng mas malakas na kondisyon.
Sa panahon ng Habagat, inaasahan ang near normal rainfall mula Hunyo hanggang Setyembre, ngunit maaaring magkaroon ng above normal rainfall sa kanlurang bahagi ng bansa mula Hulyo hanggang Agosto dahil sa pag-impluwensya ng El Niño sa southwest monsoon. Pagsapit ng Oktubre, inaasahan ang near hanggang below normal rainfall conditions.
Tinataya namang nasa 9 hanggang 13 tropical cyclones o bagyo ang papasok o mabubuo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) mula Hunyo hanggang Nobyembre, at bagama’t mas kaunti, posibleng lumakas ang ilan bilang typhoon o super typhoon.
















