Umapela sa national government ang sang public health expert na pagtuunan ng pansin ang contact tracing, sa harap na rin ng banta ng mas nakakahawang Delta variant ng coronavirus.
Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Dr. Tony Leachon na mahalaga ang naturang hakbang upang sa gayon ay hindi kumalat ang Delta variant cases at lumala ang sitwasyon sa bansa.
Dapat aniyang maiwasan na mangyari sa Pilipinas ang “catastrophic” spread ng COVID-19 sa India at nasa likod din ng pagsipa ng mga kaso sa Indonesia, na siyang kinukonsidera na sa ngayon bilang epicenter ng virus sa Southeast Asia.
Sinabi ni Leachon na kailangan i-review ang quarantine guidelines sa ngayon sa Pilipinas dahil sa banta ng Delta variant.
Kung mapabayaan kasi aniya ito ay maari lamang mapunta sa wala ang mga napagtagumpayan ng bansa mula nang mangyari ang surge ng mga COVID-19 cases noong Marso.
Nauna nang sinabi ni tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na ang contact tracing ratio sa Metro Manila sa ngayon ay 1:15, malayo sa ideal na 1:30 o 1:37 ratio na target ng alkalde para sa lahat ng mga local government units.