Ipinagmalaki ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na nananatiling nakatuon ang House of Representatives sa mandato nito at sa kapakanan ng publiko kasunod ng mabilis na pag-usad ng mga prayoridad na panukalang batas.
Sa plenary session noong Mayo 20, 2026, umabot sa 38 panukalang batas ang naaprubahan sa ikalawang pagbasa. Kabilang dito ang mga may kinalaman sa reporma sa pamahalaan, emergency response, seguridad sa enerhiya, imprastraktura, at lokal na kaunlaran.
Isa sa mga tampok na panukala ang Anti-Political Dynasty Act na layong ipagbawal ang political dynasty sa halalan, pati na rin ang panukalang National Emergency Response and Resiliency Framework na magtatatag ng “KALINGA Program” para sa krisis at sakuna.
Naaprubahan din ang panukalang gawing regular na non-working holiday ang National Election Day at ang pagtaas ng retirement age ng PNP personnel mula 56 hanggang 57 taong gulang.
Ayon kay Dy, magpapatuloy ang Kamara sa pagpasa ng mga batas na may direktang epekto sa mamamayan, kasabay ng pagpapatibay ng transparency at public accountability.
Sa mga nakaraang araw, pumasa rin sa ikatlong pagbasa ang ilang LEDAC priority bills kabilang ang panukala para sa 4Ps amendments, Waste to Energy Act, at National Land Use Act.










