-- Advertisements --

Umaabot na sa 5.15 milyong populasyon ng bansa ang apektado sa pinagsamang epekto ng mga nagdaang bagyong Maymay at Luis at habagat, base sa ulat ng Office of the Civil Defense (OCD) ngayong Martes, Agosto 18.

Katumbas ito ng halos 1.47 milyong pamilya sinalanta mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Calabarzon, Mimaropa, Cordillera Region at National Capital Region.

Ayon kay OCD information officer Diego Mariano, nananatili pa rin sa mga evacuation center ang mahigit 6,300 pamilya.

Patuloy namang bineberipika ang 26 na indibidwal na napaulat na nasawi sa mga kalamidad. Naitala ang 15 sa mga biktima sa Benguet, habang sa Rizal at Batangas ay tig-tatlo ang nasawi, dalawa sa Caloocan at tig-isa sa La Union, Quezon at Negros Occidental.

Sa ngayon, mayroon pang isang indibidwal ang napaulat na nawawala.

Tinataya namang nasa 1,786 na bahay ang napinsala kung saan 203 dito ay nawasak.