Posibleng hindi pa tapos ang sigalot sa Senado matapos umugong ang usapin tungkol sa panibagong umano’y kudeta sa liderato ng Mataas na Kapulungan, kung saan itinutulak si Senator Sherwin Gatchalian na maaring pumalit kay Senator Alan Peter Cayetano bilang Senate president.
Sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa Senado, sinabi nina Senator Francis “Kiko” Pangilinan at Senator Panfilo “Ping” Lacson na si Gatchalian ang nakikita nilang maaaring pagkaisahan ng mas maraming senador upang muling pag-isahin ang kapulungan.
Ayon kay Pangilinan, suportado ng “Solid Bloc 11” si Gatchalian para mamuno sa Senado, habang sinabi naman ni Lacson na may kakayahan at karanasan ito upang maibalik ang kredibilidad ng institusyon matapos ang magkakasunod na kontrobersiya nitong mga nakaraang araw.
Bagama’t walang direktang kumpirmasyon na may nakaambang panibagong pagpapalit ng liderato, lumalabas na hindi pa rin ganap na matatag ang bagong mayorya na nabuo matapos mapatalsik si dating Senate president Vicente “Tito” Sotto IIInoong Mayo 11.
Kasunod ito ng sunod-sunod na isyu sa Senado kabilang ang naganap na putukan sa loob ng gusali, mga tanong sa seguridad, at ang kontrobersyal na pagtakas ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa mula sa kustodiya ng Senado.
Sa isang panayam, sinabi ni Gatchalian na handa siyang akuin ang pamumuno sa Senado kung kinakailangan, lalo na sa harap ng nakaambang paglilitis sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Aminado rin siyang malaking dagok sa imahe ng Senado ang mga kaguluhang nangyari nitong nakaraang linggo.
Sa huli, igiiit ng minorya, kailangang maibalik ang dignidad at tiwala ng publiko sa Senado habang tinitiyak na magiging patas at walang kinikilingan ang paghawak sa impeachment trial laban sa bise presidente.
















