-- Advertisements --

Binigyang-diin ng House prosecution panel na hindi dapat maantala o maapektuhan ng anumang balasahan sa liderato ng Senado ang nagpapatuloy na proseso ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng panel, na ang tanging nais nila ay mailahad nang buo at walang pagkaantala ang mga ebidensya at testigo sa harap ng Senate impeachment court.

Paliwanag ni Adiong, karapatan ng taong-bayan na malaman ang mga ebidensya, at karapatan din ng bise presidente na hindi maantala ang paglilitis.

Idinagdag niya na ang impeachment ay patunay na walang sinumang opisyal, mataas man ang posisyon, ang ligtas sa pananagutan sa ilalim ng Konstitusyon.

Kasunod ito ng mga ulat na nagbabalak ang minority bloc ng Senado na itulak si Senador Sherwin Gatchalian upang palitan si Senate President Alan Peter Cayetano, na kamakailan lang naupo sa pwesto noong Mayo 11.

Sinabi ni Adiong na itinuturing nilang “internal dynamics” ng Senado ang usapin ng liderato at iginagalang ng Kamara ang hiwalay na institusyon.

Nakatakdang magsumite si Duterte ng kanyang sagot sa Articles of Impeachment sa June 1, 2026 habang pansamantala namang itinakda ng Senado ang simula ng pre-trial proceedings sa darating na July 6,2026.