-- Advertisements --

Patuloy na pinatutunayan ng National Capital Region (NCR) ang kanilang dominasyon sa nagpapatuloy na Palarong Pambansa 2026 na ginaganap sa Agusan del Sur.

Base sa pinakahuling talaan ng mga medalya (partial and unofficial result), matatag na nasa unang puwesto ang NCR matapos makasungkit ng kabuuang 48 medalya na binubuo ng 20 ginto, 11 pilak, at 17 tanso.

Mahigpit naman itong sinusundan ng Region IV-A (CALABARZON) na nasa ikalawang puwesto taglay ang 13 ginto, 13 pilak, at 9 na tanso, na may kabuuang 35 medalya.

Samantala, pumuwesto sa ikatlong ranggo ang Region VII (Central Visayas) na may 8 ginto, 8 pilak, at 7 tanso (23 kabuuang medalya), habang ang Region VI (Western Visayas) naman ay nasa ikaapat na puwesto na may 27 kabuuang medalya ngunit may 7 ginto, 10 pilak, at 10 tanso.

Pasok din sa top 10 ang mga delegasyon mula sa Region V (Bicol Region) na may 7 ginto, Negros Island Region (NIR) na may 7 ginto, Region III (Central Luzon) na may 5 ginto, Region X (Northern Mindanao) na may 4 na ginto, Region VIII (Eastern Visayas) na may 4 na ginto, at Region XI (Davao Region) na may 3 ginto.

Sa kabilang banda, patuloy namang lumalaban ang iba pang mga rehiyon at natatanging delegasyon tulad ng National Academy of Sports (NAS) na mayroon nang 3 ginto at 3 tanso.

Sa kasalukuyan, ang Association of Philippine Schools Overseas (APSO) na lamang ang natatanging delegasyon na hindi pa pinalad na makakuha ng medalya sa paligsahan.

Inaasahang magbabago pa ang standing ng mga koponan sa mga susunod na araw habang nagpapatuloy ang mga kapana-panabik na laro sa iba’t ibang larangan ng palakasan.