-- Advertisements --

Nagbabala ngayon ang Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) laban sa mga pulitiko at supporters na nangha-harass sa mga mamamahayag na nagtatrabaho lang naman para maihatid ang mga balita sa nalalapit na halalan.

Sinabi ni Presidential Task Force on Media Security Executive Director Undersecretary Jose Joel Sy Egco sa panayam ng Bombo Radyo Philippines na sa ngayon ay may natatanggap na raw silang mga reklamo na mayroong banta sa buhay.

Aniya, sa katunayan daw ay kagabi lamang ay nang nakatanggap sila ng sumbong dahil may umaaligid umano sa bahay ng isang brodkaster.

Siniguro ni Egco na mananagot sa batas kapag napatunayang hina-harass ng mga pulitiko ang mga mamamahayag.

Sinabi ni Egco na hindi rin daw dapat binabalewala ang kahit na maliit lamang na banta at dapat ay agad itong seryosohin.

Sakaling may natanggap ang mga mamamahayag na banta ay dapat ipagbigay alam kaagad ito sa PTFOMS.

Kung maalala, bumuo na ang PTFOMS ng Media Security Vanguards (MSVs) para maprotektahan ang mga mamamahayag sa 2022 national at local elections.

Sinabi ni Egco na ayaw na nilang maulit ang nangyari noong taong 2009 kasunod ng pagkamatay ng 32 na journalists sa madugong Maguindanao massacre na ikinamatay din ng 58 katao.