-- Advertisements --

Muling bumisita sa Manila South Harbor ang pinakamalaking support vessel ng Royal New Zealand Navy, na HMNZS Aotearoa, nitong Biyernes, Oktubre 31 para sa isang goodwill visit, bilang patunay ng pagtitibay ng ugnayan sa defense ng New Zealand at Pilipinas.

Ito na ang ikalawang pagbisita ng barko sa Pilipinas sa loob ng limang taon at anim na buwan matapos ma-pirmahan ang Philippines–New Zealand Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA), na nagpapalakas sa military cooperation at nagpapadali sa pagpasok ng defense forces ng bawat bansa para sa joint activities.

Ayon kay New Zealand Ambassador to the Philippines Catherine McIntosh, ang pagbisita ng barko ay nagpapakita umano ng mas malalim na pakikipag-ugnayan ng New Zealand sa sektor ng defense ng Pilipinas.

Sinabi naman ni Commanding Officer Robert Welford na bukas ang barko sa mas maraming joint activities sa rehiyon, gayundin ang pakikipagtulungan sa Philippine Navy para sa mga operasyon nito malapit sa archipelagic waters.

Magsasagawa din ang mga opisyal ng barko ng defense engagements at courtesy calls sa Nobyembre 3.

Pagkatapos ng Manila port call, magpapatuloy ang barko sa Japan para sa susunod na bahagi ng regional mission nito.

Nabatid na ang HMNZS Aotearoa, ay may tatlong pangunahing tungkulin tulad pag-replenish ng mga fuel at supplies sa ibang barko; antarctic resupply; at logistics support vessel.