Inamin ni Sen. Panfilo Lacson na kung ang pagbabasehan ang nasa saligang batas, tulad ng mga naging pahayag ni dating Chief Justice Reynato Puno, na kapag walang prangkisa na ma-isyu ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa ABS-CBN hanggang Mayo 4 ay tiyak na hindi na eere ang naturang network.
Sa isinagawang kapihan sa Senado, sinabi ni Lacson na wala na ring saysay ang concurrent resolution at ang joint resolution para bigyan ng provisional authority ang National Telecommunication Commission (NTC) upang makapag-isyu ng provisional permit to operate hangga’t hindi pa nabibigyan ng prangkisa ang ABS-CBN ng Kongreso.
Iginiit ng senador na malinaw sa desisyon ng Korte Suprema noong 2004 na hindi maaring mag-operate ang isang network kung walang prangkisa at hindi maaring maamiyendahan ang batas ng anumang resolusyon.
Kaugnay nito inihayag ni Lacson na may ibang mga rason kung bakit may mga pagkakataon na pinayagan noon ang NTC na mag-operate habang hindi pa naiisyu ng Kongreso ng prangkisa.
Iginiit ng senador na hindi lahat ng naging practice ay maituturing na isang batas.
Aniya malinaw sa batas na hindi na maaring mag-operate ang isang network kapag wala nang bisa ang prangkisa.
Subalit kung sakaling maipasa ito ng mababang kapulungan at maisumite sa susunod na linggo, tinitiyak ni Lacson na may pag-asa na maaprubahan ang prangkisa dahil siya raw mismo ay boboto para sa renewal ng nasabing prangkisa.
Pero sa joint resolution o ang concurrent resolution na magbibigay ng provisional authority sa NTC ay hindi aniya ito pipirma sa resolusyon kasama si Senate President Vicente Tito Sotto III.