CAUAYAN CITY- Iginiit ni Governor Rodito Albano na hindi pa rin mawawala ang mga protocols na kasalukuyan ng ipinapatupad ng mga lokal na pamahalaan sa kabila ng mga bagong panuntunang ibinaba ng Inter Agency Task Force (IATF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Albano sinabi niya na nakasalalay pa rin sa mga lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng health protocols sa kanilang nasasakupan na nakakapagtala ng mataas na kaso ng virus.
Ayon kay Governor Albano na sa kabila ng mga panibagong panuntunan ay mananatili pa rin ang mga inilalatag na control checkpoints sa bawat bayan para sa monitoring.
Nakadepende naman sa mga pupuntahang LGU ang pagsuri o pag-require ng travel documents.
Ayon kay Governor Albano makikipag ugnayan sila sa bawat LGU na pupuntahan ng motorista.
Inihalimbawa niya ang isang bayan na nakakapagtala ng mataas na kaso ng COVID 19 na maaari pa ring humingi o mag-require ng travel documents sa mga indibiduwal na papasok sa kanilang nasasakupan.
Paglilinaw niya na hindi dahil may bagong guidelines ay mababalewala na ang mga health protocols na ipinapatupad sa taumbayan pangunahin na ang mga protocols na ipinapatupad ng mga lokal na pamahalaan.
Kailangan pa ring sundin ang mga protocols na ipinapatupad ng mga Lokal na Pamahalaan.
Kaya naman sa pagpasok ng mga provincial buses sa Isabela na mula Metro Manila, inihayag ni Governor Albano na handa naman silang sumunod sa mga ibinabang guidelines basta hindi makokompromiso ang kaligtasan ng taumbayan.