Nanawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko na respetuhin at tratuhin ng tama ang healthcare workers na kabilang sa mga frontliners na lumalaban kontra coronavirus disease (COVID-19).
Nabatid ng DOH ang ulat na may ilang nurse at hospital staff na pinapaalis umano sa kanilang mga tinitirhang apartment dahil sa takot na makahawa sila ng sakit.
“Hindi ito ang panahon para talikuran natin ang ating healthcare workers. Kami ay nakikiusap sa sambayanan, sa kapwa Pilipino na kandiliin ang ating healthcare workers, alagaan natin sila. ‘Pag nagkasakit tayo, sila ang mag-aalaga sa atin,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“Hindi dahil galing sila sa ospital ay hindi na sila nagpa-practice ng infection-prevention and control procedures. Sila ay nag-iingat pa rin para hindi makapanghawa ng iba.”
Ayon sa opisyal, iniimbestigahan na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang ulat.
“Sana wag naman natin gawin ito sa ating healthcare workers.”
Tinawag ng opisyal ang pansin ng local government units na aksyunan ang mga ganitong kaso at mag-abot ng solusyon para sa kaligtasan ng healthcare workers.
“Nananawagan din kami sa mga local government units na kung sakali na nagkakaroon tayo ng ganitong diskriminasyon sa healthcare workers baka naman pwede natin sila tulungan na magkaroon ng espasyo para magkaroon sila ng tuluyan at makapag-pahinga bago bumalik at sumabak muli sa pag-aalaga ng ating mga pasyente kinabukasan.”
Sa ngayon may 56,000 N95-face masks at 59,000 surgical masks nang naibigay ang DOH sa mga ospital na nag-request ng personal protective equipment (PPE) ng kanilang mga staff.
“Maliban sa masks, may ibang klaseng PPEs tulad ng goggles o face shield, gloves, gowns at boots. Ideally maibibigay natin itong lahat sa ating healthcare workers para sila ay ating ma-proteksyunan,” ani Vergeire.
“Ngunit dahil hindi sabay sabay yung dating ng ating donasyon o mga kagamitan na ibinibigay sa atin, nilalabas na lang namin kung anong meron tayo para maproteksyunan ang ating healthcare workers kahit papaano.”
“Nagpa-pack na rin ang DOH ng PPE sets laman lahat ng nabanggit lahat ng nabanggit na PPEs; sinusubukan natin makompleto ang laman ng sets, may karagdagang orders ng supplies na rin tayong parating.”