-- Advertisements --

ILOILO CITY – Suportado ng isang pro-farmer congressman ang panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pagpapatayo ng permanenteng Kadiwa stores sa buong Pilipinas.

Ang Kadiwa ay isang market linkage facilitation program ng Department of Agriculture na layong makapaghatid ng mga abot-kayang presyo ng mga produkto gaya ng isda, karne, prutas, gulay, at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga mahihirap na Pilipino.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee, sinabi nito na naghain siya ng House Bill No. 3957 o ang “Kadiwa Agri-Food Terminal” na layong paigtingin pa ng pamahalaan ang pagpapatupad ng Kadiwa program sa bansa upang matulungan ang mga magsasaka, maliliit na negosyo, at mga mamimili na makabangon mula sa epekto ng pandemya.

Ayon kay Lee, ang pagkakaroon ng ganitong programa ay isang magandang halimbawa ng pagsasama- sama at pagkakaisa ng lahat ng sektor mula sa ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, mga maliit na negosyo, magsasaka at lahat ng stakeholders upang makapagbigay ng mga de-kalidad na produkto at makapagbigay ng ibayong pag-unlad ng programang Kadiwa sa buong bansa.

Maliban dito, mabibigyan din ng pagkakataon ang mga local Micro,Small and Medium-sized Enterprises na talagang nahirapan noong kasagsagan ng pandemya na ibenta ang kanilang mga magagandang produkto.