Nananatiling pangunahing sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas noong 2025 ang ischemic heart diseases, ayon sa inilabas na provisional report ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa ulat ng PSA na inilabas ngayong linggo, umabot sa 111,896 ang naitalang kaso ng mga namamatay dahil sa ischemic heart diseases mula Enero hanggang Nobyembre 2025, na katumbas ng 19.7% ng kabuuang bilang ng mga namamatay sa bansa.
Ayon sa United States National Institutes of Health (NIH), ang ischemic heart disease ay kondisyon kung saan hindi sapat ang suplay ng dugo sa kalamnan ng puso, na nagdudulot ng kakulangan sa oxygen.
Kadalasan itong sanhi ng pag-ipon ng fatty plaques sa coronary arteries na bumabara sa daluyan ng dugo.
Pumangalawa sa listahan ang neoplasms na may 64,864 na pagkamatay o 11.4%. Ayon pa sa NIH, ito ay tumutukoy sa abnormal na pagdami ng selula na nagreresulta sa bukol o tumor kapag hindi namamatay ang mga selula sa tamang oras.
Nasa ikatlong puwesto naman ang cerebrovascular diseases na may 55,756 kaso o 9.8% ng kabuuang namamatay. Ayon sa American Association of Neurological Surgeons, kabilang dito ang stroke, stenosis sa iba’t ibang ugat sa utak, aneurysm, at vascular malformations.
Ayon sa PSA, nananatiling pareho ang top 3 causes of death kumpara noong 2024 sa kaparehong panahon.
Samantala, pumang-apat naman ang pneumonia na may 38,607 kaso (6.8%), habang panglima ang diabetes mellitus na may 34,611 pagkamatay (6.1%).
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang pneumonia ay isang acute respiratory infection na dulot ng virus o bacteria, habang ang diabetes mellitus ay isang chronic metabolic disease na may mataas na antas ng blood sugar.
Nilinaw ng PSA na ang datos ay sumasaklaw lamang sa mga pagkamatay sa Pilipinas mula Enero hanggang Nobyembre 2025 batay sa mga ulat na na-proseso hanggang Marso 31, 2026, at maaari pang mabago ang kanilang datos na ilalabas naman sa Enero 2027.
















