-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Naideploy na ang kabuuang 1,720 security personnel mula sa Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang magbigay ng seguridad sa ika-44 ASEAN Capital Markets Forum (ACMF) Chairs Meeting na nagsimula araw ng Martes, Marso 24 at magtatapos sa Marso 27, 2026.

Ayon kay PMSgt. Jane Vega, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office (APPO), katuwang nito ang 528 na miyembro ng Sub-Site Task Group on Emergency Preparedness and Response upang mapanitili ang katahimikan, kaayusan, at kaligtasan ng international delegates at mga bisita habang ginaganap ang pagtitipon.

Kaugnay nito, ipinatupad ng PNP ang pansamantalang suspension ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) sa isla ng Boracay mula noong Marso 21, alas-12:01 ng hating gabi hanggang sa Marso 28 ng 11:59 ng gabi bilang bahagi ng seguridad sa 2026 ASEAN Meetings.

Mismong ang mga kawani ng PNP, AFP, at iba pang law enforcement agencies na naka-duty at naka-uniporme ang pinapayagang magdala ng baril.

Umapela rin ang PNP sa publiko ng kooperasyon upang matiyak ang ligtas at maayos na ASEAN 2026.