CAUAYAN CITY – Magsasagawa ng private prayer vigil ang mga kamag-anak ni dating Sen. Heherson “Sonny” Alvarez sa lungsod ng Santiago, Isabela.
Matatandaang namayapa kahapon, Abril 20, si Alvarez bunsod ng komplikasyong dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nerissa Alvarez-Padolina, pamangkin ng dating senador, sinabi niya na masakit para sa kanila na hindi makikita sa huling pagkakataon ang kanyang tiyuhin, na itinuring niyang ikalawang ama, dahil sa protocol na kapag namatay sa COVID-19 ang isang pasyente ay agad ililibing o ike-cremate.
Kahapon aniya ay inasikaso ng kanyang pinsan na si Hexilon Alvarez ang pag-remate sa bangkay ng yumaong ama.
Ayon kay Padolina, sa mga nagdaang araw ay paiba-iba ang kalagayan ng tiyuhin na tatlong linggong nasa intensive care unit (ICU) hanggang sa magkaroon ng kidney failure at halos araw-araw nang sumasailalim sa dialysis.
Habang nasa ICU ay nagpapadala ang kanilang mga kamag-anak ng voice message at ipinaparinig sa kanya sa pag-asang makakapagbigay ito ng lakas sa kanya.
Hindi nila inasahan na masasawi ang dating mambabatas dahil sa COVID-19 sapagkat malakas siya sa mga nagdaang buwan bago nagkaroon ng coronavirus outbreak sa bansa.
Sa ngayon, tanging dasal ang maibabahagi ng mga kamag-anak ni Alvarez sa Santiago City dahil hindi sila makapagsagawa ng pagtitipon dahil sa umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon pa kay Padolina, huling nag-usap ang kanyang tiyuhin at kanyang ina noong tumawag siya at sinabing hindi muna makakauwi sa Santiago City dahil sa ipinapatupad na ECQ.
Sinabi pa niya na limang taong gulang lang siya nang yumao ang kanyang ama kaya ang tiyuhin ang tumayo nilang ama ng kanyang mga kapatid.
Hindi aniya mapapantayan ang suporta na ibinibigay sa kanila ng tiyuhin kaya mahirap niyang tanggapin ang biglaan niyang pagpanaw.
Nagpapasalamat din si Padolina sa maraming nagpapaabot ng pakikiramay sa kanilang pamilya sa pagpanaw ng kanyang tiyuhin.