-- Advertisements --

CAUAYAN CITY-Muling nagbabala si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na gagantihan ang Gaza kung ipagpapatuloy nila ang kanilang opensiba sa kabila ng umiiral na tigil putukan sa pagitan nila ng Palestinian Government.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Harold Agbayani, Caregiver sa Haifa City at tubong Jones Isabela, sinabi niya na sa kabila ng pagtigil ng rocket attacks ay may ilang mga insidente pa rin ng pag-atake ang naitala.

Aniya, dahil sa patuloy na opensiba ng Gaza ay nagbabala si Prime Minister Netanyahu na gaganti matapos ang naganap ang mga serye ng pananaksak sa dalawang Israeli sa Jerusalem kung saan agad na napatay ng mga otoridad ang salarin.

Ito ay maliban pa sa pagpapalipad ng lobo na may lamang kemikal ang mga Palestinian mula Gaza patungong Israel na nagsanhi ng malawakang sunog.

Sa kabila naman ng nagpapatuloy na tensyon ay maituturing na mas ligtas ngayon ang manirahan sa Israel kumpara noong mga nakaraang araw dahil sa bahagyang paghupa ng mga kilos protesta at rocket attacks.