Tinuligsa ni Presidente Rodrigo Duterte ang mayayamang mga bansa na siyang dapat magbayad sa mga dinaranas ng developing nations tulad ng Pilipinas sa epekto ng climate change.
Ginawa ng pangulo ang pahayag sa kanyang lingguhang Talk to the People at matapos ang pagbisita niya sa mga lugar na tinamaan ng bagyong Agaton.
Ayon sa Pangulong Duterte, ang Pilipinas daw ang pinakadelikado sa epekto ng climate crisis dahil sa average na halos 20 mga bagyo ang dumadaan kada taon.
Sinisisi rin ni Duterte ang mga mayayamang mga bansa sa epekto ng climate change lalo na raw dahil ang mga ito ang malakas na gumamit ng carbon sa kanilang mga factories, mga bahay at sasakyan kumpara sa mga developing countries.
“Yung resulta ng pollution ng ibang countries, tayo ang sumasalo. Pagdating sa damage tayo rin ang pinakakawawa,” ani Pres. Duterte. “Sila yung may pinaka maraming factory and in some industrialized places halos every kanto may factory… unfortunately sila ‘yung biggest contributor ng carbon emissions dito sa mundong ito.”