Wala pa raw nakikita ang Department of Health (DoH) na community transmission sa bagong variant ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos ngang magkaroon na ng mga kaso sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sinabi ni Dr. Edsel Salvana, Director ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology ng National Institutes of Health sa University of the Philippines (UP) Manila wala pa raw sapat na basehan para masabing mayroon nang local transmission ang bagong variant ng covid dahil hindi naman daw ito nahanap sa ibang lugar.
Una rito, inamin ng DoH na noong Disyembre 10 pa ay mayroon na silang na-detect na parehong uri ng sakit mula sa Lebanon.
Aniya, nagsagawa sila ng pagsusuri sa mga samples mula pa noong Oktubre hanggang Disyembre.
Disyembre 10 daw nang lumabas ang resulta ng test at na-detect ang bagong variant dito sa banasa pero Disyembre 14 lang nang nag-anunsiyo ang UK kaugnay ng virus na tinawag ding B.1.1.7.
Patuloy ang masusing contact tracing ng Department of Health (DoH) sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa bagong COVID-19 variant sa iba’t ibang dako ng Pilipinas.
Samantala, dahil sa kalapit lamang ng Baguio City ang La Trinida, Benguet kung saan naitala ang isang kaso ng UK variant ng covid, posible umanong nakapasok na sa City of Pines ang bagong variant ng nakamamatay na sakit.
Ayon kay Tracing Czar at Baguio City Mayor Benjie Magalong, maging ang mga taga Bontoc, Mountain Province ay labas masok din umano sa Baguio City.
Una rito, sinabi ni Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire na sa 16 na kaso ng bagong variant ng covid, tatlo rito ay naka-recover na, 13 are ang active cases, tatlo sa mga ito ay asymptomatic at 10 ang nakakaranas ng mild symptoms.
Kabilang sa mga nadapuan ng bagong variant ang dalawang returning oversease Filipino workers (OFWs) mula Lebanon ang isa rito ay mula sa Binangonan sa Rizal at Jaro sa Iloilo.
Nasa 12 naman ang kaso sa Bontoc, Mountain Province, isa sa La Trinidad Benguet, isa sa Calamba, Laguna at isa sa Binangonan, Rizal.
Sinabi ni Dr. Thea De Guzman, epidemiologist mula sa DoH Epidemiology Bureau na mayroon na silang 1,154 samples na sumalang sa sequencing sa UP Philippine Genome Center at 16 ang nagpositibo sa bagong variant, ang B.1.1.7.