Naghain ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ng precautionary hold departure order (PHDO) laban kina Senador Francis “Chiz” Escudero at negosyanteng si Maynard Ngu.
Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na paggulong ng imbestigasyon sa maanomaliyang flood control projects.
Sa inilabas na “verified ex-parte application” para sa paglalabas ng travel ban order, ibinatay ng Ombudsman, bilang petitioner, ang naging hakbang nito sa Section 3, Rule VIII ng 2018 Revised Internal Rules ng Sandiganbayan.
Nakasaad sa naturang probisyon na sa PHDO inaatasan ang Bureau of Immigration na pigilan ang anumang pagtatangka ng sinumang indibidwal na pinaghihinalaan ng krimen na makalabas ng Pilipinas.
Iniisyu ito sa mga kaso kaugnay sa mga krimen na may minimum penalty na anim na taon at isang araw o kung ang offender ay dayuhan anuman ang ipinataw na parusa.
Sa kasalukuyan, nahaharap sina Escudero at Ngu sa imbestigasyon sa umano’y plunder, graft at indirect bribery kaugnay sa flood control scandal.
Ni-reffle naman na sa Sandiganbayan Sixth Division nitong hapon ng Sabado, Abril 25 ang hiling para sa paglalabas ng travel ban order laban kina Escudero at Ngu.
Matatandaan, ibinunyag ni dating DPWH USec. Roberto Bernardo na idinaan niya kay Ngu ang 20% ng pondo o humigit kumulang P160 million mula sa P800 milyong proyekto para sa Valenzuela na inilaan para kay Sen. Escudero subalit itinanggi ng negosyante na dawit siya sa flood control kickbacks.
Gayundin, pinabulaanan ni Escudero ang mga alegasyon ni Bernardo na sangkot siya sa maanomaliyang proyekto.














