-- Advertisements --
Hindi pinayagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mabigyan na ng panibagong prangkisa ang Davao Light and Power Company na tatagal ng 25 taon.
Batay sa veto message ng pangulo, sinabi nitong maaaring may malabag na ibang batas kung igagawad ngayon sa naturang kompaniya ang kanilang kahilingan.
May umiiral pa raw kasing franchise para sa North Davao Electric Cooperative Inc. na may bisa pa hanggang 2028 o kahit sa taong 2033, na maaaring masaklaw sa igagawad na bagong permiso.
Aniya, maaaring sumalungat ito sa EPIRA Law na nagsasaad na dapat bigyan ng full term ang naunang naigawad na prangkisa.
Ang nasabing veto message ay naiparating na ng Malacanang sa dalawang kapulungan ng Kongreso.