-- Advertisements --

Sineguro na ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang kahandaan nito hinggil sa mga preparasyong isinasagawa para sa nalalapit ng eleksyon.

Kung saan tiniyak ng naturang non-profit organization na sila’y handa at kumpyansang sapat na ang mga kinakailangan ngayong darating na Mayo 12, araw ng mismong halalan. 

Samantala kasabay naman nito, pormal ng pinasinayanan ang gagamiting command center ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting na matatagpuan sa lugar ng Sampaloc, lungsod ng Maynila. 

Isinagawa ang isang ribbon cutting upang opisyal ng buksan ang naturang command center habang sama-samang nanalangin ang mga nagsipagdalo para sa pagbabasbas ng lugar sa pangunguna ni Msgr. Bernardo R. Pantin, secretary general ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines. 

Sa programang ginanap, ibinahagi ng tagapagsalita ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting na si Spokesperson Ana Singson ang kahalagahan ng gagamiting command center. 

Aniya, dito i-o-aduit ang unofficial parallel count ng PPCRV sa mga election returns na siya namang manggagaling sa iba’t ibang mga presintong pagbobotohan. 

Sa ginanap na opisyal na pagbubukas ng PPCRV Command Center, dinaluhan ito ng mga board of trustees, mga katuwang sa pribadong sektor, at maging na rin sina Bishop Teodoro Bacani ng Novaliches at ni Chairman George Erwin Garcia ng Commission on Elections.

Kung saan ibinahagi rito ni Comelec Chairman Garcia ang importansya sa pagtutulungan ng iba’t ibang mga grupo o organisasyon matiyak lamang ang mas ikabubuti sa gaganaping eleksyon.

Aniya’y hamon hindi lamang sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting kundi maging na rin sa mga kabahagi at katuwang nito na seguraduhing makaboboto ng akma at naayon sa pangangailangan ng bayan ang magiging resulta ng isasagawang National and Local Elections.