Umabot sa 80.27% ang voter turnout na natukoy ng Catholic Church-affiliated citizen’s arm na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa katatapos na May 12 2025 elections.
Itinuturing na rin ito ng naturang grupo bilang magandang turnout, lalo na at tumaas din ang bilang ng mga botante mula sa Mindanao na lumabas at bumuto, batay na rin sa monitoring ng PPCRV.
Noong 2022 presidential elections, umabot sa 83% ang turnout ng mga botante o mas mataas ng halos tatlong porsyento.
Paliwanag ni PPCRV national communications director Ana Singson, kalimitang may mas malawak na pagkakaiba sa voter turnout sa pagitan ng general at midterm elections.
Ayon sa PPCRV, naging interesado ang mga botante para bumuto at ito ay magandang sinyales ng pagpapahalaga ng mga botante sa kanilang karapatan at responsibilidad.
Iniulat din ng PPCRV ang maagang paglabas ng mga botante upang pumila habang sa mga nakalipas na halalan ay marami ang piniling bumuto pagsapit ng hapon.