-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na sapat pa rin ang suplay ng kuryente sa bansa sa kabila ng pananalasa ng Bagyong Opong (international name: Bualoi).

Ayon sa ulat ng DOE, pansamantalang isinara ang Units 1-3 ng BacMan Geothermal Power Plant sa Sorsogon at Albay (133 MW), pati na rin ang 28-MW Palayan Binary Plant sa Albay, bilang pag-iingat.

Gayunpaman, nananatiling operational ang lahat ng iba pang on-grid power plants.

Sa mga off-grid na lugar, ilang diesel power plants sa ilalim ng Small Power Utilities Group (SPUG) ng Napocor ay limitado ang operasyon dahil sa pinsala.

Nakadeploy naman na ang mga restoration team, lalo na sa mga lugar tulad ng Camiguin Island sa Cagayan.

Iniulat din ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na isa sa anim na naapektuhang transmission lines ang Amlan-Siaton 69kV Line sa Negros Oriental ay naibalik na ang operasyon, habang lima pa dito ang patuloy na inaayos.

Sinabi naman ng DOE na 87 electric cooperatives sa 52 probinsya ang minomonitor, kung saan 16 ang may partial interruptions at 6 ang may total blackout — karamihan ay nasa Bicol, Eastern Visayas, at Mimaropa.

Samantala, nananatiling sapat ang suplay ng langis sa buong bansa. Sampung gasolinahan (9 sa Ilocos, 1 sa Central Luzon) ang pansamantalang nagsara dahil sa pagbaha o kawalan ng kuryente. Isang Electric Vehicle charging station din sa La Union ang offline.

Samantala ayon sa Meralco humigit-kumulang 8,900 na customers sa Quezon, Laguna, at Cavite ang wala pa ring kuryente hanggang tanghali ng Biyernes, Setyembre 26.