Patuloy lamang ang Department of Energy (DOE) na magsagawa ng kanilang power restoration efforts sa Cebu City matapos na yanigin ito ng magnitude 6.9 na lindol.
Ayon kay Energy Usec. Mario Marasigan, personal na nagtungo si Energy Sec. Sharon Garin sa rehiyon para magsagawa ng ground assessment at batay aniya sa pinakabagong ulat ay halos nasa anim na electric cooperatives pa ang patuloy na minomonitor ng kanilang ahensya mula sa 2 rehiyon na siyang sumasakop sa higit apat na mga probinsiya.
Kasunod nito 81 mula sa 83 na mga munisipalidad o halos 98% na ang kasalukuyan nang energized.
Aniya, bagamat energized na ang mga munisipalidad na ito ay hindi pa rin magiging agaran ang panunumbalik ng elektrisidad sa mga lugar na ito dahil kailangan muna ng sapat na assessment mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga napinsalang imprastraktura sa rehiyon.
Dahil dito, napapatuloy pa ang restoration efforts ng departamento para sa 64,631 na mga konsyumer sa Cebu.
Samantala, sa kabila nito hindi naman muna nagbigay ng timeline si Marasigan kung hanggang kailan ang magiging power supply restoration sa rehiyon ngunit tiniyak niya na magiging madali na lamang ito dahil energized na nga ang malaking bahagi ng apektadong mga rehiyon.
Ngayong umaga naman ay nakatakdang magbigay ng mga resulta ng ground assessment si Energy Sec. Sharon Garin hinggil pa rin sa kasalukuyang power situation sa Cebu.