Muling nananawagan ang OCTA Research group sa publiko na patuloy pa ring sundin ang public health standards ngayong holidays kasunod ng naitalang bahagyang pagtaas ng positivity rate sa National Capital Region (NCR).
Sa kanyang report, sinabi ni OCTA fellow Dr. Guido David na ang positivity rate sa NCR ay umakyat sa 0.77 mula Disyembre 16 hanggang 22 habang ang pinakamababang positivity rate naman sa rehiyon ay naitala noong Disyembre 12 hanggang 18 sa 0.62.
Ang pagtaas na ito ay maaring dahil sa epekto lamang ng holidays, pero maaring ito rin ang siyang simula nang pagbabago rin sa trend.
Kaya naman kailangan aniya na patuloy pa ring sumunod sa mga nakalatag na health protocols upang sa gayon ay hindi lumala ang sitwasyon.
Magugunita na kahapon ay umabot na ang nationwide tally sa mahigit 2.8 million COVID-19 cases habang ang active cases naman ay nasa 9,251.