-- Advertisements --

Iniimbestigahan na ng National Privacy Commission (NPC) ang posibleng privacy breach sa public display ng mga Posted Computerized Voter’s List (PCVL) sa ilang polling precincts noong nakalipas na midterm elections noong Mayo 12.

Ayon sa komisyon, napaulat na ipinaskil sa mga lugar na accessible sa publiko gaya ng bulletin boards sa labas ng voting precincts ang posted computerized voter’s list na naglalaman ng mga personal information ng mga botante, kabilang ang kanilang kumpletong pangalan, lagda at residential address.

Kaugnay nito, sinisiyasat na ng komisyon kung ang naturang pagsasapubliko ng PCVLs ay lumabag sa Data Privacy Act of 2012.

Hinimok naman ng privacy body ang publiko na iwasang piktyuran ang mga PCVL at huwag i-post sa kanilang social media o iba pang platforms nang walang consent o permiso mula sa nakalistang mga indibidwal.

Babala ng komisyon na maaaring malantad sa privacy risks ang hindi awtorisadong pagbabahagi ng personal data at posibleng paglabag sa batas.

Pinayuhan naman ng komisyon ang publiko na maaaring i-report ang anumang kaugnay na insidente sa pamamagitan ng sprint@privacy.gov.ph.