-- Advertisements --

Pinangunahan ni Energy Secretary Sharon Garin ang pagpupulong kasama ang matataas na opisyal ng lokal na pamahalaan ng Basilan at mga ahensya ng pambansang pamahalaan upang tugunan ang patuloy na suliranin sa suplay ng kuryente at ang malaking utang ng Basilan Electric Cooperative (BASELCO).

Binigyang-diin ni Garin ang kahalagahan ng pamumuhunan, solusyon, at aktibong partisipasyon ng lahat ng sektor upang makamit ang maayos, abot-kaya, at matatag na suplay ng kuryente sa probinsya.

Ayon sa DOE, para makuha ng BASELCO ang tiwala ng pamahalaan ay dapat daw mapataas nito ang koleksyon mula sa kasalukuyang 68% efficiency, bawasan ang system losses, tutukan ang indibidwal na pag-kakaroon ng meter ng kuryente, pagbabawal sa sa lump-sum payments mula sa LGUs, at agarang pagputol ng serbisyo para sa mga hindi nagbabayad na customer nito.

Plano ring humingi ang DOE ng legislative support para sa condonation ng interes sa utang ng BASELCO sa NPC, upang magamit ang pondo sa pagsasaayos ng imprastruktura.

Ayon naman sa BASELCO, kailangan nila ng P807 million para sa rehabilitasyon ng mga linya ng kuryente, kung saan P200 million ay ipagkakaloob ng NEA.

Kasama rin sa mga plano ang pagbuo ng 69-kV transmission lines at substations sa Isabela, Lamitan, at Maluso na sisimulan sa 2027.

Tinitingnan din ng gobyerno ang diversified power generation, kung saan isinasagawa na ang Competitive Selection Process para sa bagong 18.5-MW decentralized baseload and peaking power supply na ilalagay sa Isabela (8 MW), Lamitan (8 MW), at Maluso (2.5 MW).