Naglabas ng notices to airmen (NOTAM) ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) bilang abiso sa posibleng pagbagsak ng debris ng inilunsad na rocket ng China na maaaring maglagay sa panganib sa mga sasakyang panghimpapawid at pandagat sa may Bajo de Masinlioc.
Sa advisory na inisyu ng CAAP, iniulat nito na naglunsad ang China ng Long March 7 rocket nitong Miyerkules, Mayo 10 dakong alas-9:22 ng gabi oras sa Pilipinas.
Epektibo ang tatlong Notices to airmen na inisyu ng ahensiya kahapon Mayo 10 para sa aerospace flight activity kung saan nag-abiso ito ng pagsasara ng ilang area navigation routes bilang paghahanda sa posibleng pagbagsak ng debris mula sa rocket ng China.
Kabilang sa mga lugar na posibleng pagbagsakan ng rocket ay nasa tinatayang 65 hanggang 79 kilometers mula sa Bajo de Masinloc o kilala sa tawag na Scarborough Shoal.
Bagamat maliit ang tyansang mahulog ito sa inhabited land, maaari pa rin aniyang magresulta ito ng panganib para sa aircraft at seacraft.