Inaasahan ng Commission on Population and Development (POPCOM) na tataas ng 0.3 percent o katumbas ng 324,000 ang populasyon ng bansa ngayong 2021.
Sa isang statement, sinabi ng POPCOM na ito na ang pinakamababang population increase kung sakali sa loob ng 75 taon.
Ayon sa POPCOM, ang annual “natural increase” na ito ay pinakamababa magmula noong 1946 hanggang 1947 nang madagdagan ang populasyon ng 254,000.
Kung mangyari man ang inaasahan ng POPCOM, ang populasyon ng Pilipinas sa katapusan ng 2021 ay maaring pumalo sa 109,991,095.
Ang bilang na ito ay mas mababa ng 2 million kaysa naunang mga projections base sa 1.63 percent population growth rate (PGR).
Magugunita na ang natural increase sa populasyon noong 2020 ay nasa 0.79 percent o katumbas ng 914,747 indibidwal, kaya naman ang kabuuang populasyon noong taon na iyon ay nasa 109,667,216.
Sinabi ng POPCOM na ang kanilang computations ay base na rin sa vital statistics preliminary reports ng Philippine Statistics Authority mula Enero 2020 hanggang Agosto 2021.
Ayon kay Population and Development Undersecretary Dr. Juan A. Perez III, nanatiling “prudent” ang mga Pilipino sa pagde-delay sa pagkakaroon ng anak o magkapamilya dahil sa pinagsamang economic crisis at sa COVID-19 health emergency.
Sa nakalipas aniyang dalawang taon na mababa ang pagtaas ng populasyon ay nagkaroon ng pagkakataon para sa pagkamit ng mas stable population na kayang sumuporta sa socio-economic development sa national at household levels.
















