Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) na maaaring gamitin ng mga paaralan ang kanilang pondo para gastusan ang internet allowance ng mga guro.
Ayon kay DepEd Usec. Annalyn Sevilla, sang-ayon sa kanilang 2020 budget ay hindi pinapahintulutan ang kagawaran na magbiay ng internet allowance, ngunit puwede itong gawing “communication expense” gamit ang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga eskwelahan.
“Wala tayong [internet] allowance ngayon at hindi ‘yan naka-authorize sa 2020 budget,” paliwanag ni Sevilla.
Target naman aniya ng kagawaran na isama ang internet allowance sa kanilang 2021 budget.
“Kami ay sumulat na para kami ay bigyan ng authorization at magkaroon ng pondo na maibigay natin ito,” ani Sevilla.
“Kung hindi man ito allowance, kailangan siguro mayroon tayong sistema na ang ating teachers at mag-aaral ay may subsidiya o access sa isang network pang-edukasyon.”
“Mayroon tayong MOOE na ginagamit. At ‘yong MOOE ay isang expense pool na puwedeng gamitin ng ating mga principal at superintendents for our communication expenses,” dagdag nito.
Una rito, umapela ang ilang mga teachers group na dapat ay maglaan ang DepEd ng buwanang internet allowance para sa mga guro.