Isinasapinal na umano ng Department of Education (DepEd) ang mga polisiyang naglalayong pangalagaan ang karapatan at kagalingan ng mga estudyante ngayong ipinatutupad ang distance learning.
Ayon kay DepEd Usec. Josephine Maribojoc, maaaring malantad sa iba’t ibang panganib ang mga bata lalo pa’t imbes na sa silid-aralan ay sa loob ng tahanan na nagkaklase ang mga estudyante bunsod ng COVID-19 pandemic.
Ilan aniya sa mga panganib na maaaring harapin ng mga bata habang nasa blended learning ay ang corporal punishment, child labor, cyberbullying, online sexual abuse at exploitation, at iba pa.
Paglalahad pa ni Maribojoc, ilalabas ang bagong department order sa huling bahagi ng Setyembre o sa unang bahagi ng Oktubre upang dagdagan ang umiiral nang polisiya ng DepEd sa pangangalaga sa mga kabataan.
Sinabi rin ng opisyal na nagsagawa ang kagawaran ng konsultasyon sa kanilang mga stakeholders at iba pang mga ahensya ng gobyerno para sa pagbalangkas ng naturang mga polisiya.
“Ito po ay isang Department Order na dadagdag sa mga probisyon ng Child Protection policy… upang tugunan ang mga risk and realities na maaaring maranasan ng mga bata sa home-based learning,” wika ni Maribojoc.
“Papatibayin din nito ang Child Protection committees at ang mga reporting mechanism. Magkakaroon din dito ng guidelines for online safety,” dagdag nito.
Nitong buwan nang simulan ng kagawaran ang pagsasagawa ng mga webinar sa child protection para sa mga magulang at guro.
Noong Mayo nang tumaas umano ng 260% ang mga report kaugnay sa online sexual exploitation sa mga kabataan sa bansa sa panahon ng health crisis, ayon sa Department of Justice.